-- Advertisements --

Sinuspinde ng House committee on appropriations ang deliberasyon sa budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) matapos na tinuligsa ng mga kongresista ang red-tagging activities ng isa sa mga opisyal ng ahensya.

Sa budget briefing ng PCOO, kinumpronta ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro si PCOO Undersecretary Lorraine Badoy dahil sa pag-aakusa nito sa mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara bilang mga terorista.

Ipinakita ni Castro sa budget briefing ang screenshot ng mga posts ni Badoy pati na rin ang sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTL-ELCAC) kung saan sinasabi ng mga ito na ang mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc ay “high-ranking” officials ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).”

Iginiit ni Castro na ginagamit ni Badoy ang kanyang pondo at ang pondo ng bayan para tagurian na sila ay pawang mga terorista, na ikinakabahala nila dahil “kamatayan ang dala” aniya nito.

Nais ni Castro na sagutin ni Badoy ang mga alegasyon na ito bago sana simulan ng Kamara ang deliberasyon sa budget ng PCOO, dahilan kung bakit siya nagmosyon na suspendihin ang briefing.

Sinusugan ito ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, na miyembro rin ng Makabayan bloc.

Idinistansya naman ni PCOO Sec. Martin Andanar ang kanyang opisina sa naturang issue at sinabi na walang kinalaman sa kanila ang pahayag ng NTF-ELCAC.

Sa post naman ni Badoy, iginiit ni Andanar na ginamit naman ng PCOO undersecretary ang sariling Facebook page nito para sa kanyang mga posts at hindi ng PCOO mismo.