Ipinagpaliban ngayon ng Supreme Court (SC) ang deliberasyon sa petisyon ng ABS-CBN na inihain nito sa kataas-taasang hukuman para makapag-operate.
Ayon sa source ng Bombo Radyo Philippines sa Korte Suprema, posibleng maging kapareho ng desisyon ng House of Representatives ang desisyon na ilalabas ng SC na nagbasura sa legislative franchise ng nasabing TV network.
Sinabi ng source na nais muna ng mga mahistrado na talakayin ang final verdict ng House of Representatives na nagbabasura sa legislative franchise ng media giant.
Kaugnay nito ay ni-reset o pinalawig pa ang pagpapatuloy ng deliberasyon ng mga mahistrado at isinama ito sa kanilang agenda at dedesisyunan sa loob pa ng tatlong linggo o sa August 4.
Una nang lumabas ang mga report na nakatakdang ibasura ng mga mahistrado ang petisyon matapos ang event sa Kamara.
Nakatakda naman umanong maglabas ang ponente ng kaso na si senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe ng Draft Recommendations sa Court en banc kasunod ng desisyon ng House Committee on Legislative Franchises na nagbabasura sa prangkisa ng TV network.