-- Advertisements --

Iginiit ni Mamamayang Liberal partylist Rep. Leila de Lima sa pagdinig ng House Committee on Justice na hindi “guesswork” ang ebidensiya laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y banta sa Pangulo, First Lady, at dating House Speaker.

Ayon kay De Lima, malinaw at hindi “out of context” ang threat video na hawak ng komite, na kinumpirma ring authentic ng National Bureau of Investigation (NBI).

Dagdag pa niya, hindi rin itinanggi ng Bise Presidente ang naturang video, kaya’t hindi dapat balewalain ang bigat ng ebidensiya.

Binanggit din ni De Lima na ang mga paliwanag ng kampo ni Duterte ay tila pagtatangkang ilihis ang usapin ng pananagutan, lalo na’t hindi dumalo ang Bise Presidente sa impeachment hearings upang sagutin ang mga alegasyon.

Samantala, sinabi ni Committee Chair Rep. Gerville Luistro na “the video speaks for itself” at dapat sana’y nakilahok ang kampo ni Duterte sa pagdinig upang maipresenta ang kanilang panig.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Luistro na ang paglilinaw ng Korte Suprema sa terminong “forthwith” ay pagkilala sa kapangyarihan ng Senado na magtakda kung kailan sisimulan ang impeachment trial, basta’t ito ay sa loob ng “reasonable time.”

Giit niya, hindi ito hadlang sa pagpapatuloy ng proseso laban sa Pangalawang Pangulo.