Nilinaw ng Ministry of Justice ng Czech Republic na wala umanong anumang extradition proceedings laban sa dating Ako Bicol party-list Representative na si Elizaldy “Zaldy” Co.
Sa pulong na ginanap noong Abril 27 sa Prague, Czech Republic, kasama ang delegasyon ng Pilipinas na pinangunahan ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida, sinabi ng panig ng Czech na wala silang natatanggap o naisasampang pormal na extradition case laban sa sinumang Filipino citizen.
Gayunpaman, nagkasundo ang dalawang panig na pag-aralan ang posibilidad ng pagbuo ng isang bilateral treaty para sa mas pinalakas na police cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic.
Sa panig ng Pilipinas, patuloy ang operasyon ng mga awtoridad para mahanap si Co kaugnay ng mga kasong graft at malversation na may kinalaman sa umano’y anomalya sa mga flood control projects sa bansa.
Una nang ipinabatid ng Department of Justice, na wala na umano si Co sa kustodiya ng Czech authorities at pinaniniwalaang lumipat sa loob ng Schengen area, habang lumabas ang mga ulat na maaari siyang pumunta sa France para humiling ng political asylum.
Samantala, sinabi ng Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) na patuloy ang koordinasyon nito sa international counterparts at pinag-aaralan ang posibleng paghiling ng Interpol red notice para matunton at maaresto ang puganteng si Co.
















