Nanindigan si Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi pinilit ang mga mambabatas upang suportahan ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ng House Justice Committee chair ang naturang pahayag kasunod ng akusasyon ni Davao Rep. Paolo Duterte na may ‘pressure’ sa mga mambabatas para suportahan ang reklamo laban sa kaniyang kapatid.
Nakasaad sa alegasyon ni Duterte na may banta sa mga miyembro ng Kamara na mababawasan ang pondo para sa kani-kanilang proyekto at serbisyo.
Pero sagot ni Luistro, wala itong katotohanan.
Bumuwelta rin siya sa dating presidential son at sinabihan itong madali lamang itong sabihin ngunit mahirap patunayan.
Nakakuha ng unanimous decision (53-0) ang impeachment complaint laban kay VP Sara matapos ang apat na magkakasunod na pagdinig ng panel.
















