-- Advertisements --

Pinapaimbestigahan sa Kamara ni Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred Delos Santos ang umano’y “administrative impediments” na siyang dahilan nang hindi agarang pagbibigay ng special risk allowance ng mga healthcare workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang inihaing House Resolution No. 2102, sinabi ni Delos Santos na marami na ang nagrereklamo hinggil sa delayed releases ng special risk allowances pati na rin sa discrepancies sa actual ammounts na dapat ibigay sa mga medical frontliners.

Iginiit ni Delos Santos na walang halaga ng pera ang makapag-compensate sa peligro na kailangan kaharapan ng mga medical frontliners ngayon sa gitna ng pandemya pati na rin ang mga sakripisyong ginagawa ng mga ito.

Magugunita na noong Hunyo ay inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P9.02 billion para sa special risk allowances ng mga health workers mula noong Disyembre 20, 2020 hanggang Hunyo 30, 2021.

Ang ganitong compensation ay dapat na ibigay kaagad sa mga health workers, ayon sa kongresista.