Wala na sa protective custody ng Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos boluntaryong umalis, ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano.
Ipinaliwanag naman ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na ang ibinigay na protective custody kay Dela Rosa ay isang pribilehiyo na maaari niyang tanggihan anumang oras.
Aniya, hindi nila maaaring pigilan ang senador mula sa pag-alis sa Senado kung ayaw na niyang i-avail ang naturang privilege.
Nauna na nga ring iginiit ni Senate President Cayetano na malayang makaalis ng Senado si Dela Rosa dahil wala pa silang natatanggap na arrest warrant mula sa lokal na korte ng Pilipinas.
Matatandaan, nauna nang napaulat na wala na si Dela Rosa sa Senado at umalis pasado alas-2:00 ng madaling araw, Mayo 14.
Noong araw ng Lunes nang isailalim si Dela Rosa sa protective custody ng Senado matapos ang pagtatangkang arestuhin siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bisa ng inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Ang pag-isyu ng arrest warrant ng international tribunal kay Dela Rosa ay matapos siyang pangalanan bilang isa sa “indirect co-perpetrators” ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity dahil sa mga umano’y pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration mula 2016 hanggang 2018.
















