Wala na umanong dapat pang problemahin si incoming PNP chief Director Oscar Albayalde para sa nalalapit na barangay at SK elections.

Ayon kay outgoing PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa “all systems go” na ang PNP at nakalatag na ang seguridad na ipapatupad lalo na sa mga lugar na inilagay sa areas of concern.

Aniya, ipagpapatuloy na lamang ito ni Albayalde.

Tiniyak naman din ni Dela Rosa na wala silang namo-monitor na banta sa seguridad sa nalalalapit na halalan.

Samantala, ayon naman kay PNP spokesperson C/Supt. John Bulalacao, magkakaroon ng special deployment ang PNP lalo na ang mga miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) sa ARMM at Masbate.

Ang probinsiya ng Masbate ay inirekomenda ng PNP na isailalim sa Comelec control habang karamihan naman sa mga barangays sa ARMM ay nasa critical areas at inilagay sa Category 3.

Makakatuwang naman ng PNP sa pagbibigay seguridad ang Armed Forces of the Philippines (AFP).