Ipinasa ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa mga kongresista sa nakalipas na administrasyon ang sisi sa pagpapasara ng National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN noong Mayo 5, 2020.
Sa isang statement, sinabi ni Defensor, chairman ng House committee on public trust, na 2014 pa nang unang maihain sa Kamara ang mga panukalang batas para sa franchise renewal application ng Lopez-led broadcast company.
Ito ay noong panahon pa aniya ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino Jr. kung saan si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr. ang siyang Speaker ng Kamara.
Ayon kay Defensor, hindi naman patas para sa kanilang 160 na bagong miyembro ng Kamara at walang kinalaman aniya sa mahigit anim na taon na pagkakabinbin ng franchise renewal application ng ABS-CBN.
Kaugnay nito ay kinuwestiyon ni Defensor ang mga kapwa niya kongresista na pumapanig kay Solicitor General Jose Calida sa pagsasabi na kasalanan ng mga mambabatas sa ilalim ng 18th Congress ang sinapit ng ipinasarang media giant.
“I think it is only fair, that we ask our colleagues who were here then and who are the most vocal now – what did you do then? If you truly believe that this is an issue of press freedom, then why didn’t you speak up the way that you are doing now?” ani Defensor.
“Unfortunately, those who cry foul the hardest are those who were already members of Congress when ABS-CBN first applied for their renewal,” dagdag pa nito.
Bagama’t walang partikular taong pinatutungkulan, magugunita na kamakailan lang ay idinipensa nina Buhay party-list Rep. Lito Atienza at Albay Rep. Edcel Lagman ang naging desisyon ng NTC habang binatikos naman si Speaker Alan Peter Cayetano sa pagtanggi nito sa kanilang payo dati na na aksyunan na kaagad ang franchise renewal application ng ABS-CBN.
“Frankly, I am baffled by this sentiment,” ani Defensor.
Ayon kay Defensor, maraming mga mahahalagang usapin na dapat talakayin at aksyunan ang Kongreso kaysa tumutok lamang sa iisang aniya’y “private bill” na matagal nang nakabinbin.
Pero nilinaw nito na hindi sila nagpabaya dahil sa katunayan nga aniya ay bago ang kanilang Lenten break ay nakakuha sila ng consensus mula sa Senado, Department of Justice at NTC mismo para sa magiging diskarte sa pagdinig sa franchise renewal application ng kompanya.
Sa katunayan aniya, tiniyak pa ng NTC ang liderato ng Kamara na mabibigyan ito ng provisional authority to operate matapos na personal na hilingin nina Speaker Alan Peter Cayetano at House Committee on Legislative Franchises.
Pero sa kabila nito, cease and desist order ang inilabas ng NTC nitong Martes, Mayo 5, isang araw matapos na mapaso ang 25 taon na prangkisa ng ABS-CBN.