Humingi ng tulong si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa National Bureau of Investigation sa paghanap sa tapng nag-post sa social media ng death threats laban sa kanyang anak na babae.
Ayon kay Defensor, isa sa mga netizen ang nagkomento sa isa sa kanyang post sa Instagram para pagbantaan ang kanyang anak na si Juliana.
“Nagulat ako kasi nung Linggo, parang pinost ko yung the night before the novena noong aming anak. Tapos merong nagkomento doon, ‘Papatayin ko yung anak mo, g*go.’ Yung pangalawang sinabi niya, parang ‘Mata sa mata, buhay sa buhay, papatayin ko si Juliana,” ani Defensor.
Kasunod ng insidenteng ito ay kaagad na humingi ng tulong si Defensor sa NBI para matukoy ang pagkakakilanlan ng naturang netizen.
Sa kanyang pagkaka-alam ay binura na ng naturang netizen ang pagbabanta nito laban kay Juliana, pero ayon kay Defensor, nakuha nila ang pangalan nito.
INamin ni Defensor na maging siya ay nakakatanggap din ng death threats bukod sa mga pagmumura laban sa kanya, subalit hinahayaan lamang daw niya ito.
Gayunman, hinimok ng kongresista ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at igalang ang opinyon ng ibang netizens kahit magkasalungat ang kanilang posisyon at pananaw sa isang usapin.