Nagbabala ang kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez na posibleng mapilit si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na iugnay ang mambabatas sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y flood control scam.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Romualdez, wala umanong naipapakitang ebidensya na nag-uugnay sa dating Speaker sa kaso at nananatili lamang umanong mga alegasyon ang mga paratang laban dito.
Sinabi rin ni Fajardo na nakababahala ang mga ulat na maaaring tumestigo si Bonoan laban kay Romualdez, gayong mahigit isang taon na umano ang lumipas mula nang lumabas ang isyu ngunit hindi pa ito nagsasalita laban sa dating Speaker.
Idinagdag pa niya na posibleng nakararanas ng matinding pressure si Bonoan dahil nasa hospital arrest ito at maaari umanong ilipat sa regular na kulungan kapag pinayagan na ng mga doktor.
Sa ngayon, sinabi ni Fajardo na wala pa silang natatanggap na subpoena mula sa Office of the Ombudsman at handa silang sagutin ang anumang reklamo kung magsisimula na ang pormal na imbestigasyon.
















