Mariing inalmahan ni Batanes Lone District Representative Ciriaco Gato Jr. ang mga ulat mula sa scholars sa China na nagsasabing ang Batanes ay isang natural geographical extension ng Taiwan.
Sa isang pahayag, iginiit niyang ang Batanes ay probinsiya ng Republika ng Pilipinas at ang mga Ivatans ay mga Pilipino na pinatutunayan ng kasaysayan at Konstitusyon.
Ipinahayag ni Rep. Gato na labis siyang nababahala at tinawag ang mga pahayag na ito na isang geographical provocation at tahasang pagyurak sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Ayon sa mambabatas, ang anumang pagtatangkang kwestyunin ang soberanya ng bansa sa nasabing lalawigan ay hindi nila kailanman palalagpasin o kukunsintihin.
Dagdag pa ni Rep. Gato, batid ng mga taga-Batanes ang kanilang tunay na pagkakakilanlan at ang kanilang katapatan ay nananatili sa Republika ng Pilipinas ngayon at magpakailanman.
Ang mga pahayag na ito ng ilang iskolar sa China ay una ring tinawag na “ludicrous” o katawa-tawa at “baseless” o walang batayan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.















