-- Advertisements --

Pinayuhan ni Sen. Risa Hontiveros ang Department of National Defense (DND) na maghanda sa worst-case scenario sa West Philippine Sea (WPS), makaraang palakasin pa ng China ang kanilang coast guard.

Matatandaang noong Biyernes lamang ay nagpasa ang China ng batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Chinese Coast Guard na atakehin ang mga foreign vessel na papasok sa kanilang teritoryo.

Para kay Hontiveros, negatibong development ito sa inaayos na gusot sa naturang bahagi ng karagatan, maliban pa sa kwestyunableng timing ng mga ganitong hakbang ngayong may umiiral na COVID-19 pandemic.

Nakakabahala aniya na baka mula sa pagtataboy dati sa mga kababayan nating mangingisda ay maging mas marahas pa ang gagawin ng mga Chinese.

Marami umanong maaaring mangyari, kaya mahalagang ngayon pa lang ay pinag-uusapan na kung paano mapoprotektahan ang ating mga kababayan at maging ang ating teritoryo.