Target pang palawigin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang defense cooperation sa pagitan ng Pilipinas at South Korea.
Inihayag ito ng kalihim kasabay ng introductory call ni Republic of Korea (ROK) Ambassador to the Philippines Lee Sang-hwa sa Camp Aguinaldo sa Quezon city.
Ang pagpapalawig na ito ng defense ties ng bansa sa South Korea ay makakatulong para maimulat ang self-reliant defense posture program nito dahil ang South Korea ang isa sa pinakamalaking partners ng Pilipinas pagdating sa defense materiel at logistics.
Inihayag din ng DND na mayroong matatag na pagkakaibigan at kooperasyon sa iba’t ibang larangan ang PH at South Korea.
Naging katuwang din ng bansa ang South Korea sa pagtugon sa iba’t ibang isyu sa panloob na seguridad, mga kalamidad at capacity-building efforts para sa militar.
Natalakay din ng dalawang opisyal ang nalalapit na pagbisita sa Pilipinas ni South Korean President Yoon Suk Yeol ngayong taon kasabay ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng diplomatic relations ng dalawang bansa.