Sa gitna ng umiigting na agresibong aksiyon ng China sa pinagtatalunang karagatan, target ng Department of National Defense (DND) na malagdaan ang defense agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan kapareho ng visiting forces agreement na mayroon ang bansa sa USA at Australian bago matapos ang 2023.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr, kasalukuyang pinag-aaralan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang reciprocal access agreement. Subalit nais aniyang paspasan ito dahil inaantay ito ng Senado.
Sa oras na malagdaan ang kasunduan sa pagitan ng PH at Japan, ito ay raratipikahan ng Senado dahil ito ay isang treaty.
Ipinaliwanag naman ng DND chief na naantala ang paglagda sa kasunduan dahil sa ilang mga isyu na kailangang linawin subalit natitiyak aniyang mareresolba na ito.
Ang reciprocal access agreement (RAA) ay isang bilateral defense and security pact sa pagitan ng Japan at iba pang gobyerno na nagbibigay ng shared military training at operations.
Luilikha ng mga procedure sa pagitan ng dalawang bansa para sa cooperative activities na isasagawa ng defense force ng isang bansa habang ang bumibisita sa ibang bansa at nagtatakda ng status ng visiting force.
Sa kasalukuyan, mayroong reciprocal access agreement ang Japan sa UK, Australia at France.