-- Advertisements --

Mahigit 1,000 na ang naitalang namatay dahil sa monsoon flooding sa Pakistan mula nang maranasan ito noong buwan ng Hunyo.

Ayon sa National Disaster Management Authority (NDMA) ng naturang bansa, sa ngayon ay nasa 1,033 na ang kabuuang bilang ng mga namatay.

Sa nakalipas lamang daw na magdamag ay pumalo na sa 119 na katao ang namatay dahil sa malakas na pag-ulan na patuloy na humahagupit sa naturang bansa.

Ang annual monsoon na nararanasan sa naturang bansa ay malaking tulong sa pagpapatubig sa mga pananim at para magkaroon ng tubig ang mga lawa at mga dam pero malaki rin itong perwisyo dahil sa mga pagbaha.

Ayon sa mga opisyal sa naturang bansa nasa 33 milyong katao ang laging naaapektuhan ng monsoon flooding na nararanasan kada taon sa Pakistan.

Milyong mga kabahayan din ang nasira dahil sa pagbaha.

Dagdag ng NDMA nasa dalawang milyong acres ng cultivated crops ang na-wipe out, 3,451 kilometers (2,150 miles) ng mga kalsada ang nasira habang 149 na mga tulay rin ang nasira.