Sumampa pa sa 92 katao ang bilang ng nasawi sa malakas na magnitude 7.5 na lindol sa Japan habang umakyat pa sa 242 ang nawawala sa kasalukuyan.
Lumiliit naman ang tiyansa na mahanap ang iba pang mga survivor habang puspusan ang paghahanap ng libu-libong mga rescuer 4 na araw na ang nakakalipas mula ng tumama ang lindol noong mismong araw ng Bagong taon.
Patuloy din na nakakaranas ng mga aftershocks at ilang mga kalsada ang hindi madaanan dahil sa iniwang bakas ng lindol at naharangan dahil sa landslides o pagguho ng mga lupa sa Ishikawa region na nagiging balakid para marating ang mga stranded na komunidad.
Samantala ayon sa local authorities, nasa 330 katao ang sugatan dahil sa lindol na sinundan pa ng daang aftershocks.
Aabot naman na sa 300,000 households ang nawalan ng suplay ng kuryente sa Ishikawa region na tinamaan ng lindol at 89,800 kabahayan at karatig pang rehiyon ang walang suplay ng tubig.
Kasalukuyang nakikisilong sa ngayon ang daan-daang kataong naapektuhan ng lindol sa mga evacuation shelters ng Japan.