Sumampa na sa 16 na katao ang bilang ng mga nasawi sa ikalawang araw ng labanan sa pagitan ng Thailand at Cambodia.
Mahigit daan libong katao na rin ang inilikas patungo sa evacuation centres mula sa border ng dalawang bansa.
Nagbabala din ang Thailand na maaaring tumindi pa sa giyera ang kanilang labanan ng Cambodia.
Una nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng dalawang bansa kahapon, Hulyo 24 matapos na maglunsad ng pag-atake ang Cambodia gamit ang maliit na armas at heavy weapons dahilan para gumanti naman ang Thai army ng artillery fire.
Nangyari ang labanan sa dalawang lokasyon sa Ubon Ratchathani province at isa sa Surin province, base sa impormasyon mula sa Thai Army. Nagbabala din ang militar sa kanilang mamamayan na iwasan ang lugar dahil sa napaulat na inilunsad na heavy weapon at rocket mula sa Cambodia.
Nagmarka naman ito sa dramatikong pagtindi pa ng tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa na may share land border na mahigit 800 kilometers.
Matagal na kasing may border dispute ang dalawa na nag-ugat sa mapa noon pang 1907 na iginuhit sa ilalim pa noon ng French colonial rule na ginamit para ihiwalay ang Cambodia mula sa Thailand. Ginagamit naman ng Cambodia ang naturang mapa bilang basehan sa kanilang inaangking teritoryo, subalit hinid kinikilala ito ng Thailand at iginigiit na ito ay inaccurate.
Ilang mga bansa naman na ang umaawat sa Thailand at Cambodia na itigil na ang labanan kabilang na ang Amerika, China, Australia at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).