Nanawagan si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na palawakin at palakasin ang service contracting program para sa pampublikong transportasyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na kita ng mga drayber at maayos na serbisyo sa mga commuter sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Sa House Resolution No. 913, hinikayat ni De Lima ang DILG, DOTr, at LTFRB na pag-aralan ang programa, tugunan ang kakulangan sa implementasyon, at ayusin ang mga operational na hamon.
Layunin din nitong masigurong inklusibo ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng transportasyon at maipatupad ito nang epektibo sa buong bansa.
Ayon kay De Lima, maraming drayber ang napipilitang tumigil sa pamamasada dahil sa mataas na gastos sa krudo, habang ang iba ay halos walang kinikita. Aniya, kinakailangan ng agarang aksyon ng pamahalaan, at ang service contracting ay napatunayang epektibong subsidiya para sa mga drayber at pasahero.
Sa ilalim ng programa, binabayaran ang mga drayber batay sa tinakbong kilometro at performance incentives, anuman ang dami ng pasahero.
Nakakatulong din ito upang mahikayat ang paggamit ng pampublikong sasakyan at mabawasan ang konsumo sa krudo.
Iminungkahi rin ng mambabatas ang pagsuspinde ng VAT sa produktong petrolyo, pagrepaso sa oil deregulation law, at pagbibigay ng regular na subsidiya sa mga apektadong sektor.
















