-- Advertisements --

Bantay sarado nang dumating sa Manila Doctors Hospital si opposition re-electionist Sen. Leila de Lima kung saan nakatakda siyang sumailalim sa medical procedure sa loob ng 48 oras.

Ito’y makaraang payagan siya ni Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 256 Judge Romeo Buenaventura na mabigyan ng medical furlough.

Dakong alas-10:40 ng umaga kanina nang dumating ang mambabatas sa nasabing pagamutan, kung saan nagmula ang convoy sa Camp Crame sa Quezon City.

Mananatili si de Lima sa ospital hanggang bukas at sasailalim ito sa general check up, batay na rin sa kahilingan ng kaniyang kampo.

Ipinagbawal din ng korte na magsalita at humarap sa publiko si de Lima.

Ang senadora ay nakakulong mula pa noong Pebrero 2017 dahil sa mga bintang na may kaugnayan sa Bilibid drug transactions.

Bagay na itinatanggi naman ng kaniyang panig. Top