Pinatutsadahan ni Senator Leila De Lima si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Wilkins Villanueva dahil sa akusasyon nito na oposisyon daw ang nagbigay ng maling impormasyon sa International Criminal Court (ICC) tungkol sa drug war campaign ng kasalukuyang administrasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni De Lima na dahil hindi nila kayang i-justify ang kanilang krimen ay palagi nilang itinuturo ito sa oposisyon at saka gagawa ng kung ano-anong diversionary tactics.
Nagagawa pa raw ng mga ito na pagtakpan ang mga kamalian sa administrasyong Duterte at ginagamit pa ang pagiging sikat ng pangulo.
Kung maaalala, sinabi ni Villanueva na binibigyan umano ng maling eksplanasyon ng oposisyon ang anti-drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanilang political interes sa 2022 elections.
Ito ay matapos ang pahayag ng Office of the Prosecutor ng ICC na mayroong basehan na magpapakitang may nagaganap na krimen laban sa mga Pilipino dahil sa drug war campaign.
Pagtatanong ni Villanueva, kung totoo man na sa Pilipinas kinukuha ang naturang datos ay bakit lumalabas na 91% ang approval rating ng pangulo at 8 sa bawat 10 Pinoy ang sumusuporta sa war on drugs.
Patunay lang daw ito na natatakot ang oposisyon dahil sa tagumpay na tinatamasa ng Duterte administration.
Buwelta naman ni De Lima ay dapat paalalahanan si Villanueva na karamihan sa mga Pilipino ang natatakot maging biktima ng extra-judicial killings.
Nais din ng senador na linawin ng PDEA chief kung ano ang tinutukoy nitong tagumpay dahil lalo lamang daw lumulubha ang karahasan at pagdami ng pagpatay kahit sa panahon ng pandemya.
Dagdag pa ni De Lima, sa loob ng napaka-habang lockdown ay nangunguna pa rin ang Pilipinas sa mga bansang may pinaka-maraming naitatalang kaso ng COVID-19 dahil sa hindi agarang pagsasagawa ng mass testing at hindi malinaw na vaccination plan ng pamahalaan.