-- Advertisements --
DBM

Nangako ang Department of Budget and Management (DBM) na tatalima ito sa suspension order laban sa mga opisyal nito na sangkot sa maanomalyang pagbili ng overpriced at outdated laptops para sa mga pampublikong guro noong 2021.

Sa inilabas na statement ng DBM, ipinag-utos na umano ni Secretary Amenah Pangandaman sa concerned officials para ipatupad ang suspension order sa mga dati at kasalukuyang opisyal at empleyado ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).

Ito ay matapos na ipag-utos ni Ombudsman Samuel Martires ang pansamantalang suspensiyon ng mga opisyal ng DepEd at DBM habang nakabinbin ang imbestigasyon sa pagbili ng P2.4 billion na mamahaling laptop para sa DepEd Computerization Program.

Ito ay makaraang makahanap ng mabigat na batayan ang Ombudsman para sa preventive suspensyon ng nasabing mga opisyal para sa grave misconduct, serious dishonesty at gross neglect of duty.

Kabilang sa 12 opisyal ng DBM na inilagay sa anim na buwang suspensyon ay sina dating PS-DBM officers-in-charge Lloyd Christopher Lao at Jasonmer Uayan; procurement management officers Ulysses Mora, Marwin Amil at Paul Armand Estrada.