-- Advertisements --
DBM

Naglabas ng advisory ang Department of Budget and Management (DBM) laban sa umano’y mga grupo o indibidwal na gumagamit sa pangalan ni Secretary Amenah Pangandaman.

Batay sa nilalaman ng naturang advisory, may mga indibidwal umanong gumagamit sa pangalan ng kalihim at nakikipag-transaksyon kasama ang iba pang mga indibidwal.

Ginagamit umano ng mga naturang indibidwal/grupo ang amenahfpangandaman@gmail.com at iba pang email address ng DBM para makipag-transaksyon.

Kasabay nito ay umapela ang ahensiya sa publiko na huwag maniwala sa mga naturang grupo o indibidwal, at huwag pumayag na pumasok sa anumang transaksyon kasama ang mga ito.

Ayon sa DBM, hindi gumagamit ang kalihim ng mga unverified email account sa kanyang mga pinapasukang transaksyon.

Nagbabala naman ang DBM sa mga gumagawa nito na umuusad na ang imbestigasyon upang tuluyang mahuli ang gumagawa nito.

Samantala, hinimok din ng DBM ang publiko na kaagad ireport ang ganitong kahina-hinalang gawain.

Maaari namang tumawag sa naturang ahensiya sa pamamagitan ng hotline no. 8657 3300.