-- Advertisements --

Nakatakdang magsumite ang Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso ng listahan ng mga “slow moving departments” o mga ahensya ng gobyerno na may mababang “utilization rates.”

Ito’y may kaugnay sa pagpopondo para sa dagdag-pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.

Ito ang inihayag ni DBM Sec. Amenah Pangandaman sa interpelasyon ni Senior Citizens PartyList Rep. Rodolfo Ordanes sa briefing ng House Committee on Appropriations nuong Biyernes.

Ayon kay Ordanes, nagpapasalamat siya na matapos ang higit isang dekada ay tataas na ang social pension ng mahihirap na nakakatanda dahil sa pagsasabatas ng Republic Act 11916.

Pero batay sa 2023 National Expenditure Program o NEP, sinabi ni Ordanes na aabot lamang sa P25 billion ang pondo para sa pensyon ng mga senior citizen susunod na taon. Ibig sabihin, ito ay para lamang sa P500 kada buwan na pensyon ng mga benepisyaryo.

Sinabi ni kailangan pa ng dagdag P25 billion para madoble ang pensyon sa P1,000 sa bawat benepisyaryo.

Paliwanag ni Pangandaman, nang mag-lapse bilang batas ang panukala ay nakahanda na ang 2023 NEP kaya hindi nakasama ang dagdag P25 billion para sa taas-pensyon ng senior citizens.

Sinabi ng kalihim nasa mga mambabatas na kung nanaisin nilang i-augment mula sa mga ahensiya ng gobyerno na may mababang “utilization rates” ang budget para sa dagdag-pension.