Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na prayoridad muna ng mga local government (LGU) na bigyan ng food packs ang mga indigent people o yaong mga mas nangangailangan.
Pahayag ito ni DILG Secretary Eduardo Año sa gitna ng mga himutok ng ilang residente sa iba’t ibang lungsod partikular sa Metro Manila na hindi pa raw nabibigyan ng food supply.
Ayon sa kalihim, hinabilinan nila ang mga LGU na gamitin na ang calamity fund para sa mga food packs at huwag na sanang makipag-unahan ang mga may kaya sa buhay.
Kung maaalala, noong ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine o lockdown sa buong Luzon, inihayag ni Presidential spokesman Salvador Panelo na walang dapat ipag-alala sa rasyon ng mga pagkain.
“The respective LGUs will have to create a system where food and essential needs will be delivered to the homes of the communities. In other words, we will not allow a rush to getting food and supplies because there will be sufficient food and supply,” ani Panelo.
Nabatid na sa iba’t ibang social media, kanya-kanyang post ng mga natanggap ng food supplies tulad sa Pasay, Makati, Pasig, Maynila, at iba pa.
Gayunman, may mga kumukwestyon lalo yaong mga hindi naabutan dahil daw hindi botante o kaya naman ay nagrirenta lang.