Nakatakdang sampahan ng kaso ang dalawang nahuling terorista habang nai-turnover na ang bangkay ng hinihinalaang miyembro ng Dawlah Islamiya mula sa engkuwentro laban sa mga sundalo sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Sa panig ng militar, isang sundalo rin ang nasugatan sa sagupaan at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Ayon kay 33rd Infantry Battalion commander, Lt. Col. Benjamin Cadiente, nakatanggap ng ulat ang militar hinggil sa umano’y presensiya ng mga terorista sa may Barangay Nabundas bandang alas-8:00 ng umaga kahapon.
Pinaputukan umano ng mga hinihinalang terorista ang mga sundalo dahilan para gumanti sa mga armadong terorista.
Nakuha sa mga suspek ang isang M114 rifle at dalawang improvised explosive device.
Pinuri naman ni 6th Infantry Division at Joint Task Force Central commander M/Gen. Juvymax Uy ang matagumpay na operasyon ng 33rd Infantry Battalion.
Binigyang-diin ni Uy na bukas at handa ang pamahalaan na tumanggap ng mga rebeldeng nais sumuko at magbagong buhay.