-- Advertisements --

Nilinaw ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na humingi siya ng tawad kay Sen. Imee Marcos at hindi sa mga bagay na sinabi nito laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang kanyang panawagan para sa pagbibitiw nito.

Sa isang post sa kanyang Facebook account, sinabi ng nakababatang Duterte na humingi lamang siya ng paumanhin dahil naawa siya sa Senadora na nakarinig mismo ng kanyang mga negatibong pahayag niya kay PBBM sa isang prayer rally sa Davao City noong Enero 28 laban sa people’s initiative campaign para sa charter change.

Isa kasi si Sen. Imee Marcos sa dumalo sa naturang prayer rally na nasa tabi noon ni Vice President Sara Duterte.

Dismayado din umano siya sa pagsiwalat nito sa media kamakailan na humingi siya ng tawad. Minsan an aniyang pinalampas ang Senadora pero hindi naman binanggit kung ano partikular na dahilan.

Nanindigan naman si Sen. Imee na nananatiling malapit ang ugnayan nila ni VP Sara Duterte at sa kanyang pamilya sa gitna ng hidwaan sa pagitan ng mga Duterte at Marcos.

Noong Biyernes, nakipagpulong ang Senadora kay dating Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng pagdinig sa Senado sa Davao City sa people’s initiative signature campaign.