Umaapela si Senior Citizens party-list Rep. Francisco Datol Jr. na unahin silang mga kongresista pati na rin ang mga empleyado ng Kamara sa COVID-19 testing.
Ginawa ni Datol ang naturang apela kahit pa mababa pa rin ang testing capacity ng bansa sa naturang nakakamatay na sakit.
Sa virtual hearing ng Health at COVID-19 Response Cluster ng House Defeat COVID-19 Committee, sinabi ni Datol na dapat bigyang prayoridad silang mga kongresista para matiyak ang kanilang maayos na kalusugan.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Datol na mas makakatulong aniya sila sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Iginiit din nito na maging sila ay nagbabayad din naman ng P900 kada buwan sa PhilHealth kaya dapat mapasama rin sila sa mga sumasailalim sa COVID-19.
“Tayo pinagtiwalaan tayo. Kapag hindi tayo nag-house to house ngayon at may sakit sila, pupulaan tayo. Kung maaari, unahin niyo muna sana na kami ay makapaglingkod nang tapat sa aming kinasasakupan,” ani Datol.
Sa pagdinig, tinalakay ng komite ang panukalang inihain ni Iloilo Rep. Janette Garin na humihimok sa pamahalaan na magkaroon ng baseline polymerase chain reaction COVID-19 testing para sa mga vulnerable sector para masawata ang pagkalat ng sakit.
Iminungkahi ni Datol na isama ang mga senior citizens na may underlying co-morbidity o sakit sa mga maituturing na vulnerable sector.
Isinusulong din ng kongresista na mapasama ang mga senior citizens sa priority list para sa COVID-19 testing.