-- Advertisements --
LOKAL BUYBUST 2

BUTUAN CITY – Nasa piitan na ang dalawang tulak ng iligal na droga matapos ang buybust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 13 (PDEA-13), Butuan City Police Intelligence Unit, Drug Enforcement Unit at Butuan City Police Station 1.

Sa panayam kay Dindo Abellanosa, information officer ng PDEA-13, inihayag nitong ang mga suspek ay mga bagong drug personalities at nahuli sa P-3, Kamungay, Barangay Maon sa Butuan City.

Ang mga suspek ay sina Loriejoy Patagan Deguinio, 28, residente ng nasabing barangay at Haries Griar, 31, residente sa Purok-3 Barangay Ampayon at dating seminarista.

Nakuha ng mga otoridad ang sachets ng pinaniniwalaang shabu na umabot sa 50 gramo at may market value na P590,000.

Kasama sa nakumpiska ang P149,000 na boodle money at iba pang drug paraphernalia, cellphone at isang unit sa Isuzu MUX.

Nasa kustodiya na ng PDEA 13 ang mga nakumpiskang mga kontrabando at inihahanda na ang kasong isasampa na paglabag sa Sec. 5 at 12 sa Article 2 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.