Hinatulang guilty ng korte sa Navotas si dating Police Staff Sergeant Gerry Maliban sa kasong homicide may kinalaman sa pagpatay sa binatilyong si Jemboy Baltazar noong Agosto 2, 2023 matapos mapagkamalang suspek sa ikinasang police operation sa isang ilog malapit sa kaniyang bahay sa Babanse St., Barangay NBBS Kaunlaran sa Navotas city.
Ayon sa ina ng biktima na si Rodaliza Baltazar, sinentensiyahan ng korte ang dating pulis ng 4 na taong pagkakakulong.
Sa kabila nito, hindi naman niya napigilang maghimutok dahil iisa lang ang na-convict sa kaso at hindi aniya lubos na nakamit ang hustisiya para sa kaniyang anak na mayroon pang pangarap at pinatay ng walang kasalanan.
Ginawa nito ang naturang pahayag kasunod ng promulgasyon ng kaso ni Jemboy sa Navotas City regional Trial Court Branch 286.
Una na kasing napaulat na nasa 6 na pulis ang sangkot sa kasong mistaken identity.
kung saan naabswelto si Police SSgt. Antonio Bugayong sa naturang kaso habang ang 4 na iba pa na sina Police Executive MSgt. Roberto Balais, Police SSgt. Nikko Esquilon, Police Corporal Edmard Jade Blanco, at patrolman Benedict Mangada ay nahatulang guilty sa illegal discharge of firearms.
Matatandaan,lumabas sa autopsy report na ang natamong gunshot wound ng biktima sa ulo at asphyxia dahil sa pagkalunod ang ikinamatay ng biktima.