Mariing pinabualaan ni Overall Deputy Ombudsman Warren Lliong ang alegasyon na overpriced at hindi dumaaan sa wastong proseso ang pagbili ng mga PPEs ng Department of Health sa pamamagitan ng PS-DBM.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Lliong, na dating director for procurement ng PS-DBM na nasunod ang tamang proseso sa pagbili ng mga face masks at iba pang mga PPEs.
Mga probisyon aniya ng batas sa emergency procurement process at Bayanihan 1 ang kanilang sinunod sa pagbili ng kontrobersyal na PPEs na ito.
Noong nakaraang taon, nang unang pumutok ang pandemya, sinabi ni Lliong na mataas talaga ang presyo ng mga face mask.
Ito nga aniya ang dahilan kung bakit ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Health (DOH) ay nagtakda ng retail price sa halaga na P28.
Sinabi ni Lliong na ang nabili nilang facemask sa mga panahon na iyon ay mababa ng bahagya sapagkat nakuha nila ang mga ito sa presyo na P27.72 lamang.
Samantala, ang presyo naman aniya ng PPE sets bago pa man nagkaroon ng pandemya ay pumapalo sa P3,500 hanggang P3,864.
Bumaba naman aniya ito sa P1,910 ang bawat isa noong magsimula ang COVID-19 pandemic.
Dahil dito, sinabi ni Lliong na nagawa pang maprotektahan ng PS-DBM ang interes hindi lamang ng gobyerno kundi ng bayan din mismo.
Naging strikto rin kasi aniya sila pagpili ng mga suppliers dahil ibinase nila ang mga ito sa kakayahan na mag-deliver ng agaran, sa pinakamababang presyo, at compliant sa technical specifications na itinakda ng DOH.
Mariing itinanggi rin nito na pinapaburan nila ang kompanyang Pharmally.