Humirit si dating Sri Lankan President Gotabaya Rajapaksa na makapunta sa Thailand.
Ayon kay Thailand Ministry of Foreign Affairs Spokesperson Tanee Sangrat, na nakatanggap sila ng sulat mula sa pinatalsik na pangulo ng Sri Lanka na kung maari ay makadalaw siya sa nasabing bansa.
Sa kasalukuyan kasi ay nasa Singapore ito matapos na lumikas dahil sa malawakang anti-government protest sa Sri Lanka.
Paliwanag naman ni Sangrat na maaring makapasok sa kanilang bansa si Rajapaksa dahil siya ay mayroong diplomatic passport kaya hindi na kailangan na maghanap pa ito ng visa.
Magugunitang dumating sa Singapore si Rajapaksa noong Hulyo 14 mula sa Maldives ilang araw ng lusubin ng mga galit na protesters ang presidential palace.
Ikinagalit umano ng mga protesters ang pagbabalewala umano ng kanilang gobyerno sa mga patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na nagbunsod sa kanilang krisis sa ekonomiya.
Ipinalt naman ng mga mambabatas si dating prime minister Ranil Wickremesinghe bilang pangulo ng Sri Lanka.