Maaari nang makaboto sa mga susunod na halalan si retired Army Major General Jovito Palparan Jr. matapos na makapagparehistro sa idinaos na special satellite registration ng Commission on Elections (Comelec) sa New Bilibid Prisons (NBP).
Si Palparan ay nakulong dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa pagkawala ng dalawang University of the Philippines (UP) students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006.
Inilipat si Palparan sa Bilibid noong 2018 mula sa military detention.
Kuwalipikado na magparehistro sa eleksyon si Palparan kahit ito ay na-convict dahil inaapela pa nito ang hatol na guilty laban sa kaniya ng Malolos court sa Bulacan.
Kinuhanan ng Comelec personnel si Palparan ng biometrics o ng kaniyang larawan, thumbmark at lagda bilang bahagi ng voters registration.
Hindi naman pumayag ang mga opisyal ng BuCor na makapanayam ng media si Palparan.
Ayon sa BuCor, kinakailangan ng otorisasyon mula sa Department of Justice (DoJ) bago ma-interview si Palparan lalo na’t itinuturing itong high-profile inmate.