Hinatulan ng Sandiganbayan si dating Misamis Occidental 2nd District Representative Loreto Leo Ocampos at dalawang pribadong indibidwal dahil sa kasong graft, malversation of public funds, at falsification of documents kaugnay ng isang pekeng proyekto sa kabuhayan na pinondohan ng P2.1 million mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2013.
Kasama ni Ocampos na nahatulan sina Josefina Candole at Jaime Ann Perez Linsangan, mga opisyal ng Rich Islas de Filipinas Foundation, Inc. (RIDFFI), na nagsilbing partner sa diumano’y pamamahagi ng 350 “starter kits” para sa Basilan Native Chicken livelihood project —na napag-alamang hindi kailanman natuloy.
Pinatawan sila ng hanggang 10 taong pagkakakulong, habang si Ocampos ay habambuhay na di na maaaring humawak ng pampublikong posisyon. Pinagbabayad din sila ng P2.1 million at karagdagang multa para sa pag-isyu ng pekeng dokumentong kanilang isinumite.
Ayon sa korte, nagsabwatan umano ang tatlo upang ilihis ang pondo gamit ang pekeng proyekto at mga pekeng dokumento na nagsasabing natuloy ang proyekto.