LAOAG CITY – Nagpahayag ng pakikiramay si Mayor Michael Marcos-Keon ng Laoag City sa pamilya ng atleta na si Lydia de Vega na pumanaw dahil sa cancer.
Si De Vega ay nadiskober ni Mayor Keon sa Gintong Alay Program kung saan siya noon ang executive director.
Ang Gintong Alay Project ay national sports program na ipinakilala sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi ni Mayor Keon na kinukunsidera si de Vega na pioneer sa mundo ng sports dahil sa kanyang mga kontribusyon na ipinagmamalaki ng Pilipinas.
Itinuturing ng alkalde si de Vega bilang “Greatest runner” sa buong Asya ngunit hindi niya nagawang talunin ang mga African runners.
Dagdag pa niya, si de Vega ang tanging babaing atleta na nakakuha ng pinakamaraming medalya lalo na sa kategorya ng track and field.
Umaasa ang alkalde na ang pagkamatay ni de Vega ay magbigay-daan din sa lahat ng mga Pilipino para itutuk ang buong atensyon sa sports sa bansa lalo na sa track and field.
Sinabi ng alkalde na gagawin nila ang lahat para ipakita at iparamdam ang kanilang pakikiramay sa pamilya ni de Vega.
Aniya, lahat ng dating atleta at coach ng Gintong Alay Project ay pupunta sa huling pagkakataon kay de Vega.
Kaugnay nito, sinabi ni Keon na umaasa rin siya na babayaran ng national government ang hospital bill ni de Vega.
Aniya, nakausap niya si Congressman Sandro Marcos kung saan ipinaliwanag niya na dapat tumulong ang administrasyon sa pagbabayad ng hospital bill ni de Vega.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Philippine Sports Commission at ang Philippine Olympic Committee para sa pagbibigay ng tulong pinansyal kay de Vega.
Gayunman, sinabi ng alkalde na kailangan pa rin ang tulong ng national government lalo na’t milyon-milyong piso ang ginastos ng pamilya para lamang maisalba ang buhay ng atleta.