-- Advertisements --

Tumutol ang dating Court Sheriff na si Abe Andres matapos umano siyang maisama sa listahan ng mga testigong ihaharap sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Si Andres ang dating court sheriff na naging laman ng balita matapos siyang sapakin ni Sara Duterte noong alkalde pa ito ng Davao City.

Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Hunyo 26, sinabi ni Andres na huwag na siyang idamay sa anumang usaping may kinalaman sa ”Partisan politics.”

“Please do not involve me in any PARTISAN political matters. I have been appointed in the Supreme Court as a Human Resource Management Officer, a second level position,” saad ni Andres sa isang post.

Ipinaalala rin niya na siya ay kasalukuyang nagsisilbi bilang Human Resource Management Officer sa Korte Suprema at bilang isang second-level official, nararapat lamang na manatili siyang walang kinikilingan sa mga usapin ng pamumulitika.

Ayon pa kay Andres, matagal na rin niyang piniling huwag nang magbigay ng anumang pahayag tungkol sa insidenteng kinasangkutan niya noon, at sapat na umano ang mga ulat ng media tungkol dito.

“It is my position ever since to refuse to comment on the incident when I was holding a first level position, particularly, Sheriff IV of the Regional Trial Court. The media reports are self explanatory,” ani Andres.

Batay sa pre-trial brief na inihain ng House prosecution panel, kabilang si Andres sa walong testigong inaasahang magpapatotoo kaugnay ng mga alegasyon laban kay VP Sara, kabilang ang umano’y pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Fisrt Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa prosecution team, mahalaga ang testimonya ni Andres upang suportahan ang kanilang argumento na may kakayahan umanong gumamit ng karahasan ang bise presidente.