-- Advertisements --

Lumapit na sa Korte Suprema si dating Government Corporate Counsel Rudolf Philip Jurado upang ipatigil ang emergency powers na ibinigay kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng isang temporary restraining order (TRO).

Napaso na raw kasi ang effectivity ng RA 11494 o Bayanihan 2 noong Oktubre 12 kasabay ng pag-adjourn ng Kongreso.

Kung maaalala, nagpatawag ng special Congressional session ang Pangulo noong Oktubre 13 hanggang 16 upang plantsahin ang gusot sa pagitan nina Taguig City Cong. Alan Peter Cayetano at House Speaker Lord Allan Velasco na nag-aagawan sa speakership ng Kamara.

Dagdag pa ni Jurado, dahil sa presidential proclamation na inilabas ng presidente ay kaagad na-adjourn ang regular session ng Kamara dahilan upang masuspinde rin ang effectivity ng Bayanihan Act 2.

Ibig sabihin lamang daw nito na bukod sa magpapatuloy ang mga probisyon kahit paso na ang Bayanihan 2, ay ituturing nang iligal ang emergency powers ng Pangulo at disbursements ng iba pang pondo.

May naka-allocate na P165.5 billiuon na pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 ngunit ayon kay Jurado ay P4 billion lamang ang ipinamahagi ng pamahalaan.