Inirekomenda ngayon nv National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng graft charges laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BoC) maging ang mga anti-narcotics agents dahil sa P1 billion shabu cargo noong 2019.
Nag-ugat ang isyu sa shipment na mayroong label na “tapioca starch” na inabandona noong March 2019.
Ang shipment ay agad ini-auction pero Mayo ng parehong taon nang madiskubreng naglalaman pala ang cargo ng shabu na nagkakahalaga sa P1 billion.
Nakasilid ang mga ito sa 114 bags na nakalagay sa aluminum na paleta sa Goldwin Commercial Warehouse sa Barangay Santolan, Malabon City.
Dahil dito, sinabi ng NBI na kailangang managot dito sina dating PDEA chief Aaron Aquino, kasalukuyang PDEA Director General Wilkins Villanueva, BoC head Rey Guerrero, BOC Deputy Commissioner Raniel Ramiro dahil umano sa kabiguang ma-detect ang shabu shipment.
Sa report ng NBI, inirekomenda nito sa Department of Justice (DoJ) na sampahan ng kasong kriminal ang mga opisyal dahil sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Employees, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, serious dishonesty, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service.
Inirrkomenda rin nila sa DoJ na sampahan sina Villanueva, PDEA agents Joel Plaza, Aldrin Albarino, Jigger Montallana, Melvin Estoque, Jan Mark Malibiran, Judith Rigo, Dorcas Repolles, Noilan Avila, Mark Espiritu, Marc Anthony Marero, Cesar Bilowan, Alejandro Noble, Koden Dario at Kathryn Joy Diono dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, grave misconduct at conduct prejudicial to the Best Interest of Service.
Graft charges din ang inirekomdang isampa laban sa mga BOC officials na sina Ivy Joy Nitura, Vicent Puti, and Rory Dela Torre.
Ayon kay NBI, si Nitura at Puti ay kailangang mapanagot dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Maging ang mga anti-narcotics agents na sina Daniel Martinez, Mark Erick Espiritu at Lester Martobago ay inirekomenda ring sampahan ng kaso dahil sa paglabag ng mga itp sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.