-- Advertisements --

Kinalampag ng Department of Transportation (DOTr) ang consortium na humahawak sa automatic fare collection para maging libre ang Beep card sa mga commuter na unang beses na gagamit nito.

TUGADE WANTS CONSORTIUM TO GIVE BEEP CARDS FREE TO COMMUTERS UPON FARE LOAD PAYMENT Department of Transportation (DOTr)…

Posted by Department of Transportation – Philippines on Wednesday, September 30, 2020

Pahayag ito ng ahensya matapos magreklamo ang ilang mananakay nitong umaga dahil sa “no Beep card, no ride” policy sa mga pampublikong bus.

Ayon kay Transportation Sec. Arthur Tugade, hindi patas na gagastos ng dagdag na P30 hanggang P50 ang mga commuter para sa card, bukod pa sa halaga ng kanilang ilo-load para sa pamasahe.

“Workers who have just returned to work are the main users of the rail system and the EDSA Busway. Malaking bagay para sa mga ordinaryong manggagawa ang P30-P50 na ikakaltas para bayaran ang card ng Beep. Pasahe din ‘yun. They should be spared from the burden of having to pay the price of the beep card on top of their fares.”

Giit ng kalihim, dapat libre ang Beep card dahil nagsisimula pa lang muli bumangon ang mga commuter, partikular na ang mga manggagawa mula sa epekto ng health crisis.

Nagkasundo raw ang Transportation officials na magbaba ng utos sa AF Payments Inc. para ipamahagi ng libre ang Beep cards.

Hindi naman umano dapat maging mandatoryo ang paglo-load dito ng mga pasahero.

Magugunitang naglabas ng kautusan ang DOTr para ipatupad ang cashless transaction sa mga pampublikong bus na dumadaan sa EDSA Busway simula ngayong araw, October 1.

Bukod sa mga bus, kilala rin ang Beep card bilang loadable ticket kapag sumasakay sa mga linya ng LRT Line 1 at Line 2, at MRT-3.