KALIBO, Aklan – Dapat na ibalik muli ang health declaration checklist na kilala rin sa tawag na yellow card sa mga international flights na pumapasok sa bansa.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Iloilo Rep. Janette Garin na naging epektibo ang naturang hakbang noong siya pa ang kalihim ng Department of Health (DoH) upang maiwasan ang pagpasok ng mga nakamamatay na sakit kagaya ng SARS at MersCov.
Ngayong may banta aniya ng novel coronavirus, mahalaga na magkaroon ng surveillance upang malaman ang mga mahahalagang impormasyon ng bawat pasahero at mga nakasalamuha nito sa eroplano.
Maliban dito, agad na maisailalim sa quarantine ang mga makitaan ng sintomas.
Kailangan rin umano na maging agresibo ang mga paliparan sa bansa lalo na ang mga pasaherong galing sa mga lugar na may naitalang kaso ng coronavirus.
Pinayuhan rin nito ang publiko na huwag mag-panic, ipanatili ang proper hygiene o kalinisan ng katawan, iwasan ang pagdura sa kung saan-saan at palakasin ang immune system.
Nabatid na isang 5 taong gulang na bata sa Cebu na bumisita mula Wuhan, China ang binabantayan ngayon ng DoH matapos magpositibo sa bagong coronavirus strain.