-- Advertisements --

Inaasahan ngayon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na malalampasan pa ang dami ng mga pasahero sa mga paliparan ngayon ang bilang nito noong bago pa man tumama ang pandemya sa Pilipinas.

Kasunod ito ng tuluy-tuloy na pagbaba ng bilang sa mga kaso ng COVID-19 na naitatala sa bansa.

Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, sa kasalukuyan ay nakikitaan na nila ng indikasyon na muling tataas ang bilang ng mga pasahero at maaari pa aniya nitong malampasan ang normal level nito noong 2019.

Nakasaad daw kasi sa kanilang pre-pandemic data na tumataas lamang sa pagitan ng lima hanggang walong porsiyento ang bilang ng mga biyahero kada taon.

Aniya, dahil sa pagdagsa ng mga pasahero ay kinailangan nilang magdagdag pa ng mga empleyado upang patuloy na maiputupad ang proper social distancing partikular na sa mga check-in counter kung saan madalas na nagsisimula ang congestions.

Samantala, sinabi naman ni Apolonio na isa itong magandang sensyales para sa airline industry na unti-unti nang bumabalik sa normal ang operasyon.

Magugunita na noong panahon ng Semana Santa ay dagsa rin ang mga indibidwal na nagnais na umuwi sa kani-kanilang mga probinsya o bumisita sa ilang kilalang mga pampublikong destinasyon.