CAGAYAN DE ORO CITY – May person of interest na ang pulisya sa kasong pagpaslang sa dalawang barangay kagawad ng Dominorog, Talakag, Bukidnon.

-- Advertisement --

Ito’y matapos ibinunyag ni Dominorog Barangay Kapitan Judith Ocum na away sa lupa ang pangunahing dahilan kung bakit siya pinaplanuhang patayin.

Aniya, pinatay ang kaniyang asawa na si Datu Bulbulaton Gabriel Ocum noong Mayo 2019 dahil sa land dispute.

Dahil dito, naniniwala si Ocum na nadamay lang ang mga biktima na sina Kag Lorenzo Pedyaan at Mauricio Guinto sa nangyaring krimen.

Una nang ibinunyag ni Barangay Dominorog treasurer Angelie Bercede na hinanahanap nang isang armadong lalake si Kapitan Ocum subalit kaniya itong itinanggi.

Nagulat na lamang si Bercede nang biglang pinagbabaril ng suspek ang dalawang kagawad na nakatayo sa gate ng kanilang barangay hall.

Kung maalala, nagtamo ng sugat sa kanilang ulo ang mga biktima dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.