LEGAZPI CITY – (Update) Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnang motibo ng kapulisan sa masaker sa isang pamilya sa Brgy. Tinapian, Baleno, Masbate na ikinasawi ng limang katao at sugatan ang isa pa.
Patay sa krimen ang mag-asawang Jesus, 70 at Adela Adigue, 67, Jennifer Adigue, 40 maging ang dalawang dalagita na edad 17 at 14-anyos habang nasa ospital pa ang 13-anyos na batang babae na kaanak ng mga namatay.
Ayon kay PCapt. Ronnie Corral, hepe ng Baleno Municipal Police Station, ipinoproseso na ngayon ang isasampang kaso laban sa 16-anyos na suspek, sa ama nito at tiyuhin na pawang naaresto na matapos ang follow-up operations sa Brgy. Eastern Capsay.
Unang dinakip ang menor de edad na umamin na nagsilbing lookout habang itinuro ang ama at tiyuhin na nasa likod ng pananaksak.
Nabunyag umano kasi ang panloloob at pagnanakaw ng mga suspek matapos na magising ang mga biktima dahilan upang paslangin ang mga ito.
Nakuha rin sa pinangyarihan ng krimen ang ginamit na mga patalim na magsisilbing ebidensya habang hinihintay pa ang resulta mula sa pagsusuring isinagawa sa mga biktimang babae.