BAGUIO CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matuklasan ang dahilan kung paano bumalik ang presensiya ng African swine fever (ASF) sa Benguet.
Kinumpirma kasi ng Provincial Veterinary Office ng Benguet na muling naitala ang mga kaso ng ASF sa lalawigan kung saan 30 baboy ang namatay sa bayan ng Itogon at La Trinidad.
Ayon sa opisina, kinumpirma ng mga veterinarian na positibo sa ASF ang mga namatay na baboy sa pamamagitan ng isinagawang rapid test.
Una nang inihayag ng Benguet Police ang kanilang pagkalaarma sa pagbabalik ng ASF sa lalawigan lalo na’t hindi pa nasusugpo ang problemang dulot ng Coronavirus Disease 2019 COVID-19 pandemic.
Pinangangambahang magdudulot ng pagkalugi sa swine industry kapag hindi agad masugpo ang problema sa pagbabalik ng ASF.