Epektibo na sa Agosto 21 ang dagdag singil sa toll fee sa mga motoristang bumabaybay sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX).
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Toll Regulatory Board (TRB) sa patisyon ng Cavitex Infrastructure Corporation (CIC) ng toll hike mula P2 hanggang P25 na pinapayagan tuwing tatlong taon.
Inihain ng kompaniya ang naturang petisyon para sa pag-apruba ng periodic toll rate adjustments sa TRB noong 2017 para sa R-1 Expressway (Seaside patungong Zapote) at R-1 Expressway Extension, Segment 4 (Zapote hanggang Kawit).
Para sa R-1 expressway, ang magiging toll fee na para sa Class 1 vehicles o mga regular na sasakyan at SUVs ay tataas sa P35 mula sa kasalukuyang P33, sa Class 2 vehicles naman o mga bus at maliliit na truck ang toll fee ay magiging P70 na habang sa Class 3 vehicles naman o malalaking trucks ay magiging P104.
Para naman sa R1 Extension, segment 4, ang toll fee para sa Class 1 vehicles ay tataas na ng P73, sa class 2 vehicles naman ay P146 habang sa Class 3 vehicles ay magiging P219.
Para naman maibsan ang epekto ng bagong toll fee rate sa mga pampublikong transportasyon, sinabi ng pamunuan ng Cavitex na i-rereactivate nito ang kanilang Abante Card program na nagpapahintulotsa mga drivers at operators na magbayad ng dating toll rates sa loob ng ilang buwan.