Nananawagan ngayon ang grupong ACT Teachers partylist sa mga kinauukulan na suspindihin muna ang pagpapatupad ng dagdag-singil sa PhilHealth contribution.
Ito ay dahil pa rin sa bigat ng pasanin ngayon ng mga Pilipino sa gitna ng tuluy-tuloy na pagtaas sa presyo ng pangunahing mga bilihin, commodities, at services sa bansa.
Ayon kay ACT Teachers partylist Rep. France Castro, dahil sa mga ito ay bigong makapagbayad ngayon ng kanilang mga pagkakautang ang mga guro.
Hindi rin aniya sapat pa para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ang kakaramput na sweldo na kanilang kinikita kasunod ng pagpapatupad ng premium hike noong Hunyo 15.
Samantala, sinabi naman ni PhilHealth spokesperson Dr. Shirley Domingo na ang dagdag-singil na ito sa PhilHealth contribution ay alinsunod sa naging direktiba mula sa Palasyo ng Malakanyang.
Layunin din aniya nito na palawigin pa ang mga benefits na makukuha mula sa PhilHealth kabilang na ang dagdag na coverage ng dialysis sessions at gayundin ang dagdag na primary healthcare package tulad ng check-up, labolatory, at medisina.
Matatandaan na una nang naglabas ng abiso ang PhilHealth hinggil sa kanilang ipapatupad na 4% increase sa monthly premium contribution sa ilalim ng Universal Health Care Law na naging epektibo naman ngayog buwan ng Hunyo.