Umapela ang ilang kongresista sa PhilHealth na irekonsidera ang desisyon na taasan ang premium contribution ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, chairman ng House Committee on Appropriations, hindi direktang nagbebenepisyo ang mga OFWs sa premium contributions gayong nasa ibayong dagat sila.
Sa ilalim ng PhilHealth circular na inilabas noong Abril, ang mga OFWs na may buwanang sahod na P10,000 hanggang P60,000 ay magbabayad ng 3 percent ng kanilang sahod, mula sa dating rate na 2.74 percent lamang.
Kaya ayon kay Yap, parang pinapatawan ng karagdagang buwis ng mga OFWs dahil may mga mandatory health insurance premiums din naman sa mga bansang pinagtatrabahuhan ng mga Pilipinong manggagawa.
Ang pagtaas sa premium contribution ay karagdagang pasanin lamang aniya sa mga OFWs sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Lalo na ngayong krisis, hindi na nga nakatanggap ang karamihan sa kanila ng ayuda, babawasan pa ba ang kanilang kikitain na ipapadala naman nila sa kanilang pamilya dito sa bansa? Dugo’t pawis nila ang puhunan para man lang makapagpadala sila para sa naiwang pamilya sa Pilipinas,” ani Yap.
Sa ngayon, maari na aniyang mag-convene ang Joint Congressional Oversight Committee on the Universal Health Care (UHC) law para magsagawa ng review sa naturang batas.
Dapat aniyang masilip ang inclusion ng mga migrant workers bilang direct contributors sa PhilHealth.
Sa halip aniya na taasan ang contributions ng mga OFWs, dapat ang ginawa aniya ng PhilHealth ay taasan ang employer shares ng mga kompanya sa bansa, lalo na ang mga nakapag-operate pa rin sa gitna ng umiiral ng enhanced community quarantine.
Tutol din sa naging hakbang ng PhilHealth si Basilan Rep. Mujiv Hataman, at hinimok pa si Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-utos ang withdrawal ng naturang direktiba.
“Nanawagan ako sa ating Pangulo na pigilin ang implementasyon ng pagtaas singil ng PhilHealth sa mga OFWs (I urge the President to stop the implementation of the rate hike for OFWs). At a time when even verbal orders from him are heeded, a mere pronouncement from him can temporarily stop the collection of fees,” ani Hataman.