-- Advertisements --

Ipinahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na malabo nang masundan pa ang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa buong bansa sa mga nalalabing buwan ng taong ito.

Ito ay sa gitna pa rin ng pag-alma ng marami sa ating mga kababayan nang dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Pilipinas.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ito ay kahit na mayroong maganap na supervening event sa bansa o matinding dahilan na maaaring magbigay-katwiran sa mga manggagawa na humirit pa ng panibagong dagdag sweldo.

Halimbawa na lamang nito ay ang lubhang pagbagsak ng tinatawag na purchasing power ng mga ito o ang kanilang kakayahan na makabili dahil pa rin sa walang tigil na taas presyo naman sa mga bilihin.

Paliwanag ni Laguesma, hindi raw kasi maaaring basta-bastang magpatupad ng taas sahod sa mga manggagawa kada buwan nang dahil lamang sa pagtaas ng kanilang gastusin na dulot ng walang humpay na pagsirit ng langis, dagdag pasahe, at taas presyo sa mga pangunahing bilihin.

Ito ay sa kadahilanang may sinusunod raw kasi silang proseso lalo na ngayong halos katatapos lamang na magpatupad ng dagdag sweldo ang pamahalaan para sa lahat ng rehiyon sa buong Pilipinas.

Nakasaad kasi aniya sa batas na tanging isang beses lamang sa isang taon maaaring magbigay ang pamahalaan ng wage adjustment sa mga manggagawa.

Kinakailangan din kasi aniyang isaalang-alang din kung kakayanin ba ng isang kompaniya, partikular na ang malilit na kumpaniya ang pagbibigay ng palagiang dagdag-sweldo sa kanilang mga manggagawa dahilan kung bakit dapat ay balanse lamang ang lahat anuman ang mangyare.

Samantala, iginiit naman ni Laguesma na hindi lamang taas sahod ang sagot sa pasakit na dulot na mataas na bilihin sa bansa.

Dito ay inihalimbawa niya ang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan, libreng sakay, o kaya ay pagpapalawak ng operasyon ng mga mga employers sa mga lalawigan para makalikha naman ng mas maraming trabaho sa ibang lugar sa bansa para magkaroon sila ng pagkakataong makapagpalago at makapag-alok ng mas maraming oportunidad o hanapbuhay sa mas maraming Pilipino.