-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Education na suportado nito ang mga panukalang pagdadagdag ng pasahod para sa mga public school teachers sa bansa, ngunit ito anila ay dapat na may naangkop na halaga.

Ito ang naging tugon ng naturang kagawaran matapos ihain sa House of Representatives na naglalayong P50,000 na minimum monthly salary para sa mga guro.

Sa paghahain ng iminungkahing batas, sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, Kabataan Rep. Raoul Manuel, at ACT Teachers Rep. France Castro na nilalayon nilang tugunan ang gap sa pagitan ng suweldo ng mga guro at halaga ng pamumuhay, gayundin ang pagtugon sa distortion na nilikha ng pagdodoble ng entry-level na pay ng militar at mga uniformed personnel.

Ayon kay DepEd deputy spokesperson Asec. Francis Bringas, sa ngayon ay hinihintay pa nila ang ginagawang pag-aaral ng World Bank na magpapakita kung paano ang dapat na dagdag na pasahod para sa mga guro.

Paliwanag ng opisyal, kinakailangan ng DepEd ang ganitong uri ng mga impormasyon para sa pagpapatupad ng salary hike sa mga guro nang hindi nagagambala ang staffing pattern ng ahensya.

Samantala, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na aniya ang DepEd sa World Bank kaugnay sa naturang pag-aaral bago nito ipatupad ang wage hike bill na inihain sa Kamara.