Isinusulong sa Kamara na dagdagan ang budget ng Witness Protection Program sa harap ng pagtaas ng kaso ng mga krimen sa bansa.
Ayon kay Representative Johnny Pimentel, kailangan suportahan ang naturang programa para maisaayos ang financial, relocation at livelihood assistance sa mga sasailalim sa WPP.
Sinabi ni Pimentel, sa pamamagitan nito, mas maraming witness ang mahihikayat na tumestigo gaya sa kaso ng pinatay na broadcaster na si Percy Lapid.
Una rito, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla, bukas siya sa posibilidad na isailalim sa WPP si Joel Escorial, ang self confessed gunman ni Lapid.
Umaabot sa P238-million pesos ang budget ng WPP para sa susunod na taon at 512 witness ang covered ng programa at 48-hideouts sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Ilan sa kanila ay ang mga testigo sa pagkamatay ni Atio Castillo, estudyante ng UST na biktima ng hazing, mga witness sa Maguindanao massacre at ilang biktima ng war on drugs ng nagdaang Duterte administration.
Kabilang sa rekumendasyon ni Pimentel ang karagdagang mga safehouse para ma-accommodate ang mas maraming mga witness at ang posibilidad na makasama rin ang kanilang pamilya.
“We have to support the program with greater funding so it can extend highly improved financial, relocation, and livelihood assistance to witnesses. This way, we can encourage more witnesses to cooperate in law enforcement investigations and judicial proceedings without fearing not only reprisals, but also without fearing economic dislocation,” pahayag ni Pimentel